SC: Chat sa FB messenger swak bilang ebidensya
Wala nang lusot sa kamay ng batas ang mga kriminal na gumagamit ng Facebook messenger sa kanilang kalokohan.
Ito’y matapos ilabas ng Supreme Court ang desisyon na nagdedeklara sa mga chat at larawan na ipinadala sa messenger bilang katanggap-tanggap na ebidensya sa korte, kung ang mga ito ay nakuha ng isang pribadong indibidwal.
.
Ayon sa artikulo sa website ng SC ngayong Biyernes, ang desisyon ay mula sa kaso ni Christian Cadajas. Si Cadajas ay na-convict sa kasong paglabag sa Anti-Child Pornography Act.
Noong 2016, ang 24-anyos pa lamang noon na si Cadajas ay nakipag-chat sa isang 14-anyos na babae sa messenger at hiningian niya ito ng mga nude photo. Nabasa ng ina ng dalaga ang kanilang mga message at pinilit niya ang anak na bigyan siya ng screenshot ng mga ito.
Nang nasa korte na, dumepensa si Cadajas na hindi dapat tanggapin bilang ebidensya ang chat nila sa messenger dahil pinapasok na umano ang kanyang privacy.
Ngunit ayon sa SC, ang right to privacy na nasa batas ay pumoprotekta sa publiko laban sa panghihimasok ng mga alagad ng batas.
Sa kaso ni Cadajas, hindi gobyerno ang humalungkat ng mga chat niya sa messenger kundi ang ina ng dalaga na isang pribadong indibidwal.
Dagdag pa ng SC, hindi swak ang depensa ng suspek sa Data Privacy Act. Kaya naman, pinanghawakan ng SC ang desisyon na nag-didiin sa suspek sa kanyang kaso.

Comments
Post a Comment